Home NATIONWIDE 25K community gardens itinayo sa ilalim ng nationwide clean-up drive

25K community gardens itinayo sa ilalim ng nationwide clean-up drive

Larawan mula sa Bacolod City Government

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa 25,000 community gardens  sa bansa ang naitatag sa ilalim ng “Kalinisan Day” campaign ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,

Sa kalatas na ipinalabas ng Malakanyang, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na bahagi ito ng accomplishments ng “Kalinisan Day” campaign na inilunsad noong Enero 6 sa pamamagitan ng Memorandum Circular 41.

Layon ng programa ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Chito Valmocina na atasan ang mga barangay na magkaroon ng community gardens na tataniman ng 18 gulay habang inaasahan naman na mamimigay ang barangay ng seedlings o punla sa kanilang constituents.

Huhugutin naman ang pondo para sa proyekto mula sa budget ng barangay sa halip na mula sa national government.

Sa kabilang dako, sinabi ni Valmocina na nakikita ng DILG ang pangangailangan na panatilihin ang clean-up drive campaign para matiyak ang non-stop implementation ng “Kalinisan Day.”

“Dapat continuous iyong paglilinis na ginagawa ng mga barangay. Alam natin na iyong ginawang memorandum circular ng ating Pangulo ay para talagang tutukan at saka talagang i-maintain,” ayon kay Valmocina.

Samantala, sinabi ni Valmocina na pinangunahan ng DILG ang 42,000 barangay; 1,700 lungsod; at 82 lalawigan sa pagsasagawa ng community cleanup drive kabilang na ang community gardens at palaisdaan.

“Lahat po ng sektor ay talagang ini-encourage dito kasi ang unang makikinabang dito ay senior citizen, mga kabataan. Kasi ang daming malnourished sa atin, bihira na iyong kumakain ng gulay,”  pahayag ni Valmocina.

“So ito po ay talagang malawak at mahabang pagpapaliwanag kung paano natin ma-encourage iyong lahat ng sektor para talagang ipakita natin bakit sa ibang bansa nagawa nila lahat iyong pagtatanim ng mga fruit-bearing na iyan; iyong gulayan, talagang in-improve nila,” dagdag na wika nito.

Matatandaang una nang sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagpapaunlad sa bawat komunidad ay hindi lamang dapat nakasentro sa kalinisan kundi maging sa kapakanan ng mga bata, pagpigil sa krimen, climate change adaptation, pagresolba sa mga alitan, pagpapaunlad sa mga negosyo at usapin sa kalusugan ng bawat isa. Kris Jose

Previous articleLTFRB naglatag ng plano para sa posibleng pagsisikip sa unconsolidated routes sa Peb. 1
Next articleRice stock ng Pinas bumaba ng 25% noong Disyembre