MANILA, Philippines – Naiulat ang 26 na nasawi habang 13 iba pa ang sinasabing nawawala matapos ang pananalasa ng tropical storm Egay sa ilang rehiyon noong nakaraang linggo, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sa ulat nitong sitwasyon alas-5 ng hapon noong Martes, sinabi ng NDRRMC na 52 katao din ang naiulat na nasugatan sa mahigit 849 na insidente na may kaugnayan sa bagyo.
Ito ay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Sinabi ng ahensya na 675,357 pamilya o 2,476,907 indibidwal ang apektado ni Egay. Sinabi nito na 317,975 katao ang nawalan ng tirahan, at 17,349 ang naunang inilikas.
Kabilang sa mga apektadong lugar ang 13 rehiyon, 47 probinsya, 449 lungsod at munisipalidad, at 4,255 barangay.
Samantala, tinatayang nasa P1,965,320,443.04 ang halaga ng pinsala sa agrikultura; habang sa imprastraktura ay P3,510,282,156.58.
Mahigit 100,000 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan habang mahigit 148,000 ektarya ang nasira. Umabot sa mahigit P167 milyon ang halaga ng pinsala sa mga alagang hayop, manok, at palaisdaan.
Tinatayang nasa P154,046,929.23 na ang nailabas ng ilang government units para sa post-typhoon relief at assistance.
Sinabi ng NDRRMC na mayroong 41,920 na napinsalang bahay at 487 na napinsalang imprastraktura. RNT