Home HOME BANNER STORY 2,742 insidente ng sunog naitala agad sa 2024

2,742 insidente ng sunog naitala agad sa 2024

MANILA, Philippines – Umabot na sa kabuuang 2,742 na insidente ng sunog sa buong bansa ang naitala sa unang dalawang buwan pa lamang ng 2024.

Ang nasabing bilang ay sumasalamin sa 23 porsiyentong pagtaas kumpara sa 2,224 na kaso sa parehong panahon noong 2023, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Dagdag pa sa datos na mas marami ring nasawi ngayong taon na umabot sa 55 kumpara sa 39 na nasawi noong nakaraang taon.

Mas marami rin ang naitalang sugatan sa sunog na umabot sa 184 sibilyan kumpara sa 154.

Habang sa kampo ng BFP nasa 18 ang nasugatan ngayong taon, mas mataas kaysa sa pitong naitala noong 2023.

Ang pinsala sa ari-arian mula Enero hanggang Pebrero 2024 ay umabot sa P1.23 bilyon, mas malaki sa P1.11 bilyon na naitala noong nakaraang taon.

Sa Metro Manila, bumaba ng 55 porsiyento – 222 ang mga insidente ng sunog kumpara sa 491. Gayunpaman, ang halaga ng pinsala ngayong taon ay umabot sa P511.60 milyon kumpara sa P317.01 milyon noong 2023 o mas mataas ng 61 porsiyento.

Noong Enero 2024, ipinakita ng datos ng BFP ang hindi bababa sa 123 munisipalidad na walang mga fire truck at gusali.

Ang Autonomous Region in Muslim Mindanao ang may pinakamataas na bilang ng mga munisipalidad na walang fire truck at istasyon sa 58, sinundan ng Region VIII (Eastern Visayas), 14; Region IX (Zamboanga Peninsula, 12; Region X (Northern Mindanao), 11; at Cordillera Autonomous Region (CAR), 10.

Ayon sa BFP, ang ideal na fire personnel sa population ratio ay nasa 1:2000.

Sa pambansang antas, gayunpaman, ang kasalukuyang ratio ay 1:3,459.

Ang mga sumusunod na rehiyon ay may pinakamasamang ratio: Rehiyon 4A o Calabarzon (1:4,975); Rehiyon 3 o Gitnang Luzon (1:4,296); at National Capital Region o Metro Manila (1:3,946).

Ang CAR lang ang naging malapit sa perpektong fire personnel sa ratio ng populasyon sa 1:1,376. Santi Celario

Previous articlePagtaas ng NAIA terminal fee posible sa privatization – DOTr
Next articlePAO Chief pinagmulta ng P180K ng SC sa indirect contempt of court