MANILA, Philippines- May kabuuang 279 Muslim pilgrims sa Mecca ang stranded sa isang airport sa Saudi Arabia dahil sa kanselasyon ng flight patungong Manila na dapat sana ay nitong Lunes ng gabi, ayon sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).
Inihayag ng NCMF na pauwi na sana ang 279 Filipino pilgrims matapos ang Hajj sa Mecca subalit nakansela ang PR 8683 (Jeddah-Manila) flight dahil sa technical issues batay sa abiso ng Philippine Airlines.
Idinagdag nito na ang mga apektadong Filipino pilgrim ay sa ilalim ng Sheikhs Samsonahar Dibagelen, Salindatu Abdillah, Mokalid Kasib, Ibrahim Andang, Moctar Alangan at Ahmad Ampuan.
“Upon coordination by NCMF, PAL committed to provide hotel and meals and will manage the rebooking of the affected passenger-pilgrims’ onward journey to the Philippines,” saad sa pahayag.
“The Commission is closely coordinating with the PAL Country Manager and the airline management for further information, issues, and concerns particularly on the local flights which may be affected as a result of the cancelled flight,” dagdag nito.
Sinabi naman ni PAL spokesperson Cielo Villaluna na ikakasa nila ang replacement flight upang pangasiwaan ang Jeddah – Manila route sa July 12.
Aalis umano ang replacement flight mula Jeddah pagsapit ng alas-12 ng tanghali.
Sinabi pa ng NCMF na nakikipag-ugnayan ito sa Sheikhs upang mabantayan ang estado ng pilgrims at matiyak na matutulungan sila.
Ang Hajj ay taunangl pilgrimate sa Kaaba, ang “House of Allah”, sa Mecca sa Saudi Arabia. Isa ang Hajj sa Five Pillars of Islam, kung saan obligado ang isang Muslim na isagawa ito isang beses sa kanilang buhay. RNT/SA