Home METRO 29 guro umatras bilang electoral board member sa Abra

29 guro umatras bilang electoral board member sa Abra

MANILA, Philippines- Dalawampu’t siyam na guro sa lalawigan ng Abra ang umatras bilang electoral board member bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo.

Sa isang press conference, sinabi ni Comelec chairman George Garcia na umatras ang 29 na guro sa pagsisilbi bilang poll worker para sa BSKE dahil sa pagkakaugnay ng mga kandidato at hindi totoo na tinakot o pinaatras sila.

Bilang kapalit ng mga guro na umatras, sinabi ni Garcia na 93 personnel mula sa Philippine National Police (PNP) ang itatalaga.

Nauna nang sinabi ni Garcia na nasa 3,000 tauhan ng PNP sa buong bansa ang sinanay para palitan ang sinumang gurong aatras bilang electoral board member para sa darating na BSKE.

Nagtungo sa Abra ang mga opisyal ng Comelec nitong Linggo matapos ang mahigit 200 kandidato para sa 2023 BSKE na umatras sa kanilang kandidatura, at isang kandidato sa munisipalidad ng Bucay ang binaril.

Sinabi ni Garcia na 284 kandidato para sa Barangay at SK elections sa probinsya ang umatras sa ngayon.

Sinabi rin ni Garcia na mapayapa sa Abra at maaari pa itong maging “role model” para sa ibang probinsya.

Sa pangkalahatan, sinabi ni Garcia na 100% handa ang poll body para sa nationwide BSKE ngayong Lunes kung saan ang lahat ng mga election paraphernalia ay naka-deploy mula sa probinsya hanggang municipal treasurers at nakatakdang ihatid sa kani-kanilang polling precinct.

Hinikayat din niya ang mga karapat-dapat na indibidwal na gamitin ang kanilang karapatang bumoto at gawin ito sa tamang paraan.

“Bumoto nang tama. Kung ano ang tama, dikta na ‘yan ng konsensya niyo ‘yan, ng puso at isip,” dagdag pa ng poll chief. Jocelyn Tabangcura- Domenden

Previous articleAga at Juday, di sumipot sa Sha-Gab concert!
Next articleBarkong binangga ng Chinese vessel sa Ayungin nakumpuni na – PCG