Home NATIONWIDE 294 ex-MILF, MNLF mga pulis na ngayon!

294 ex-MILF, MNLF mga pulis na ngayon!

MANILA, Philippines – May 294 na bagong police recruit, na dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), ang nanumpa bilang mga miyembro ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) nitong Huwebes, Disyembre 28, sa Camp Pendatun, Parang, Maguindanao del Norte.

Malugod na tinanggap ni Interior Secretary Benhur Abalos sa kapulisan ng bansa ang mga bagong rekrut na binubuo ng 255 lalaki at 39 na babae sa ilalim ng MILF at MNLF recruitment program.

Binati niya ang mga bagong miyembro ng Philippine National Police (PNP) at hinimok silang mamuhay sa mantra ng PNP na pagsilbihan at protektahan ang mamamayang Pilipino.

“The uniform you are wearing now does not symbolize authority. It’s not all about prestige. Ang mas mahalaga  it represents a commitment to uphold the rule of law as well as a promise to serve the community with honor and integrity” ani Abalos.

Hinamon ni Abalos ang mga recruit na tapusin ang training program at magsilbing inspirasyon sa iba pang miyembro ng MILF at MNLF sa pagkamit ng kapayapaan at sustainable development.

Pupunan ng mga bagong recruit ang 400 slots na nakalaan sa ilalim ng MILF at MNLF Recruitment Program para sa CY 2023. Sasailalim sila sa anim na buwang field training program.

Ang pagpasok ng mga dating miyembro ng MILF at MNLF sa PNP ay saklaw ng Republic Act No. 11054 o ang Bangsamoro Organic Law, na pinagtibay pagkatapos ng paglagda sa isang kasunduan sa kapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF.

Nanumpa bilang miyembro ng PNP noong Agosto 10 ang unang batch ng 102 MILF at MNLF recruits.

Noong Mayo 2022, humigit-kumulang 7,000 sa 11,000 miyembro ng MNLF at MILF ang pumasa sa isang espesyal na qualifying eligibility examination para sumali sa PNP.

Ang mga aplikante ay kailangang pumasa sa body mass index test, physical agility test, psychological examination at physical at dental examination. Santi Celario

Previous article₱30 minimum fare sa dyip kailangan pambawi sa pinambili ng P4M modern jeep
Next articleGAB Chair Clarin nakipagdayalogo sa boxing promoters, matchmakers