MANILA, Philippines – Plano pang magdagdag ng Department of Transportation (DOTr) at Japan International Cooperation Agency (JICA) ng mas maraming underground railway systems sa Metro Manila na posibleng umabot pa hanggang Cavite.
Ito ang ibinahagi ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Biyernes, Pebrero 10 kasabay ng Philippine Business Opportunities Forum sa Japan.
“As early as now, we are already planning for more subways in Metro Manila because this will ease the traffic,” ani Bautista.
Sa isang chance interview, sinabi niya nasa planning stage pa ang diskusyon sa mas maraming subway.
“Nasa planning stage… mga tatlo o apat na ‘’yun. Metro Manila lahat hanggang Cavite,” pagbabahagi ni Bautista.
Ayon sa opisyal, planong ikonekta sa Metro Manila Subway Project ang dagdag na mga subway.
Nang matanong kung kailan itatayo ang mga subway, sagot ni Bautista:
“Matagal pa ‘yun…”
“We will have to prepare feasiblity studies.”
Samantala, sinabi naman ni Bautista kasabay ng forum na dinaluhan ng Japanese business community na ang operasyon ng tunnel boring machines sa Metro Manila Subway ay nagpapatuloy na.
“We hope this will be completed before the end of the term of the President,” aniya.
Layon ng 33 kilometro na subway ang pagkakaroon ng 17 istasyon na magpapabilis sa biyahe mula North Avenue sa Quezon City hanggang Ninoy Aquino International Airport ng 35 minuto mula sa dating isang oras at 10 minuto.
Tatawirin nito ang mga lungsod ng
Valenzuela, Quezon City, Pasig, Makati, Taguig, Parañaque, at Pasay.
May kabuuang project cost ang Metro Manila Subway naP488.48 billion o ¥1.08 trillion na malaking bahagi nito ay pinondohan ng JICA. RNT/JGC