MANILA, Philippines – Tatlong indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ikinasang entrapment operations dahil sa paglabag sa illegal medical practice.
Ayon sa NBI – Western Visayas Regional Office (NBI- WEVRO), kinilala ang mga naaresto na sina Ivonne Pal, Roselyn Panes at Michelle Tamdang na kapwa nahaharap sa Estafa, Cybercrime Law at paglabag sa Medical Act of 1959.
Nag-ugat ang operasyon mula sa ilang reklamo tungkol sa maling non-surgical procedure para sa beauty treatment na ginawa ng mga umano’y Cosmetic Surgeons/Aesthetic Practitioners ng Angel’s Pretty Aesthetic Beauty Lounge na matatagpuan sa Molo, Iloilo City.
Ayon sa complainants/biktima, sa halip na pagandahin ang itsura ng kanilang mga pasyente na sumailalim sa facial rejuvenation at contouring, dumanas sila ng acute bacterial skin at soft tissue infections, na nangyari kasunod ng procedure.
Ibinunyag din ng complainant na ang beauty establishment ay nagpapanatili ng isang Facebook account kung saan ito ay pampublikong nag-a-advertise/nagpo-promote ng kanilang mga aesthetic na serbisyo sa publiko online.
Sa ginawang beripikasyon sa Professional Regulatory Board (PRC) at Food and Drug Administration (FDA) ay lumitaw na ang nasabing beauty establishment ay gumagawa ng medical practice nang walang lisensya.
Kaya naman inilunsad ang entrapment operation at nagpanggap ng poseur-patient na sasailalim sa nose lift procedure sa halagang P10,000.00.
Habang tinatanggap ang bayad ng suspek na si Pal, sa isa sa gagawa ng procedure ay agad siyang inaresto ng NBI-WEVRO kasama ang mga clinic staff na sina Panes at Tamdang.
Ipinrisinta na sa inquest proceedings sa Iloilo City Prosecutors Office ang mga suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden