MANILA, Philippines – Tatlong indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pagbebenta ng registered SIM cards sa Pasay City
Ayon sa ahensya, inaresto ng NBI Cybercrime Division (NBI-CCD) sina Beverly Cruz, Keone Lebumfacil at Aljon Reyes sa magkahiwalay na operasyon .
Nag-ugat ang operasyon mula sa impormasyon na ilang indibidwal ang nagbebenta ng registered SIM cards sa Facebook , na ginagamit naman umano sa masamang layunin .
Isang account na may pangalang ‘Nopce Naldz’ ang nagkomento sa FB group na siya ay nagbebenta ng 1,000 piraso ng SIM cards.
Dito na nakipagkasundo ang poseur buyer sa nabanggit na account name na magkita isang conviniece store sa Pasay.
Sa nasabing lokasyon, tatlong cards– isang rehistrado at dalawang unregistered ang ibinigay sa poseur buyer para sa beripikasyon .
Matapos matanggap ang bayad ay saka inaresto ang Cruz ng NBI-CCD.
Isa pang FB account na may pangalang “Armando Samling” ang nag-post na nagsasabing mayroong siyang libu-libong ‘SIM cards for sale’
Tumangging makipagkita ang poseur buyer kay Samling at sa halip ay sinabing delivery rider ang magpi-pick up nito.
Nakipagkita ang poseur delivery rider kay Lebumfacil at Reyes na nagbigay ng SIM cards sa kanya.Matapos tanggapin ang bayad para sa SIM cards ay saka sila inaresto .
Ayon sa NBI, kabuuang 1,023 SIM cards na ang nakumpiska.
Iniharap na sa Inquest Proceedings sa Office of the City Prosecutor sa Pasay para sa paglabag sa Section 7 ng SIM Registration Act na may kaugnayan sa Section 6 at Section 4 ng Cybercrime Prevention Act of 2022.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)