MANILA, Philippines – Nalambat ng mga operatiba ng District Special Operations Unit ng Southern Police District (DSOU-SPD) ang tatlong kalalakihang Chinese nationals nitong Hunyo 3 sa Pasay City.
Kinilala ni SPD director Brig. Gen. Kirby John Brion Kraft ang mga inarestong suspek na sina Wu Zhangjian a.k.a. Michael Wang, 32; Jiang Guanglin, 28; at Mao Wei, 23.
Base sa report na natanggap ni Kraft, nadakip ang mga suspects dakong alas 3:30 ng madaling araw sa loob ng kanilang condo unit na matatagpuan sa Seaside Boulevard, MOA Complex, Pasay City.
Matagumpay na naisagawa ang pag-aresto sa mga suspects sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rowena Nieves A. Tan Wengtan ng Branch 118 dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspek Ang isang Glock 26, isang kalibre .9mm na kargado ng magazine na mayroong 10 bala at isang rebolber na hindi pa batid na kalibre at kargado ng apat na bala.
Bukod sa mga narekober na baril ay nakumpiskahan din ang mga suspek ng tatlong heat sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 11 gramo at nagkakaghalaga ng P74,800, 6 na plastic tube, 6 na glass tooter, 2 glass panel, 2 boteng plastic na may lamang na tubig at kasamang flexible tube at tooter, 1 plastic container na may tubig at plastic tube at isang digital weighing scale.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at Section 11, 12 and 15, Article II ng RA 9165 ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DSOU. James I. Catapusan