Bulacan – Timbog ang tatlong hinihinalang tulak na umanoy nahulihan ng P23,329 halaga ng iligal na droga sa joint drug buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng San Ildefonso.
Kinilala ni Bulacan Police director P/Col. Relly Arnedo ang mga suspek na sina Roderick Dela Cruz, 41, truck helper, Ramil Mempin, 20, helper kapwa residente ng Brgy. Sto. Cristo at Ronald Quinto, 26, fisherman ng Brgy. Mapanique, Candaba.
Sa report ni San Ildefonso chief of police P/Lt. Col. Russel Dennis Reburiano, ikinasa nila ang operasyon bandang 1:10 ng madaling araw nitong Mayo 27, kasama ang personnel ng SOU 3 PNPDEG sa Brgy. Poblacion.
Ayon sa report, nabilhan ng isang maliit na sachet na hinihinalang shabu ang mga suspek ng poseur buyer sa halagang P500 kaya sila inaresto.
Narekober sa kanila ang tatlong medium sachet na hinihinalang shabu na tumimbang ng 3.44 grams, may estimated amount P23,329.00 at marked money.
Sinasabing ang mga suspek ay kabilang sa PNP-PDEA Unified watchlist na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5, 11 and Sec. 26, Art.II of RA 9165 habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III