Home NATIONWIDE 3 illegal aliens arestado sa NAIA

3 illegal aliens arestado sa NAIA

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-aresto sa tatlong ilegal na dayuhan na nagtangkang umalis ng bansa, na pawang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa ilang mga nagawa nilang paglabag.

Sa ulat kay BI Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng border control intelligence unit (BCIU) ng BI na ang tatlong dayuhan ay naharang sa magkahiwalay na insidente nitong linggo.

Una nang nakilala ng BCIU si Liu Shengtao, 44, Chinese, na nahuli sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Enero 14 habang tinangka nitong sumakay sa Singapore-bound flight.

Nabatid na si Liu ay isang pugante na pinaghahanap ng mga awtoridad ng China dahil sa pagtatakip at pagtatago ng mga criminal proceeds, ay nasa Pilipinas na may working visa na inisyu noong 2022. Nakatanggap ang BI ng impormasyon tungkol sa mga krimen ni Liu sa China noong Setyembre 2023, na nag-trigger ng imbestigasyon upang mahanap at arestuhin ito.

Kasunod nito, si Aoi Ikeda, 36, Japanese, ay naharang noong Enero 15 sa NAIA Terminal 3 habang sinusubukang umalis sakay ng Emirates flight papuntang Dubai.

Batay sa rekord, ilang reklamo na ang isinampa sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pagkakasangkot ni Ikeda sa isang kumpanya na umano’y nagpapatakbo ng mga scam. Siya umano ang presidente ng isang Philippine-based business process outsourcing (BPO) company na nakabase sa Makati.

Huling na-admit sa bansa si Ikeda noong Agosto 2023 sa ilalim ng working visa at ngayon ay nahaharap sa deportasyon dahil sa pagiging undesirability nito.

Ibinunyag din ni Tansingco ang pag-aresto sa Taiwanese fugitive na si Chai, Kaw-Sing, 48, kinabukasan sa NAIA Terminal 3 habang tinangka nitong sumakay ng Cathay Pacific flight papuntang Hong Kong.

Ayon kay Tansingco, huling pumasok sa bansa si Chai gamit ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Business Travel Card (ABTC), na ibinibigay sa mga indibidwal at opisyal ng gobyerno na nakikibahagi sa negosyo ng APEC. Nabatid na si Chai ay paksa ng isang Interpol Red Notice dahil sa fraudulent fundraising na isinagawa nito.

“The Philippines is not a haven for criminals,” ani Tansingco. “The BI is committed to ensure that fugitives are brought to justice, and we stand ready to collaborate with our international partners to maintain the integrity of our borders and uphold the rule of law,” dagdag pa ng opisyal.

Lahat ng tatlong dayuhan ay ikukulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang nakabinbin ang kanilang summary deportation. JAY Reyes

Previous articleNBA: Mavs inilampaso ng Lakers
Next articleAssistant coach ng Warriors Dejan Milojevic inatake sa puso, patay