MANILA, Philippines- Arestado ang tatlong magkakaibigan sa Quezon City matapos makuhanan ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon, ayon sa ulat nitong Lunes.
Target ng buy-bust operation na isinagawa ng mga pulis sa Barangay Bagbag, Novaliches sa Quezon City sina: Elton John Pangilinan, Christian Paul San Jose, at Rhay Van Lumano.
Nakumpiska ng mga pulis ang hindi bababa sa siyam na kilo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon mula sa mga suspek.
Inamin nila na nagbebenta sila ng marijuana.
“Pangangailangan lang po. Dahil po sa pangangailangan,” ani Pangilinan.
Nang tanungin kung saan sila kumukuha ng droga, tugon niya, “No comment.”
“Dala lang po ng pinansiyal,” sabi ni San Jose, na sinabi ring wala pang isang taon sila nagbebenta ng marijuana.
“Dala din po ng pangangailangan,” ani Lumano.
Inihayag ni Novaliches Police Station Commander Police Lieutenant Colonel Jerry Castillo sna nakatanggap sila ng ulat mula sa concerned citizen na talamak ang bentahan ng marijuana sa lugar.
Anang mga pulis, sinimulang rentahan ng mga suspek ang apartment noong Hunyo at hindi sila nakikipagtagpo sa kanilang mga kliyente.
“Iniiwan ‘yung pera tapos umaalis ‘yung tao. Tapos ‘pag nakuha ng mga suspect itong pera, iniiwan din ‘yung drugs tapos pini-pick up. ‘Dead drop’ ang tawag diyan,” ani Castillo.
“Sa isang linggo, kaya nilang ubusin ang 10 kilos. So that is, sa DDB (Dangerous Drugs Board) value ng marijuana is P1.2 million in a week,” dagdag niya.
Ang mga kumukuha nh droga ay mula sa Talipapa at Batasan sa Quezon City, ayon sa mga pulis.
Naghain na ng reklamong may kinalaman sa Comprehensive Dangerous Drugs Act laban sa mga suspek. RNT/SA