CAMARINES –PATAY ang tatlong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa magkahiwalay na engkwentro ng militar nitong Sabado, Agosto 19 sa Camarines at Masbate.
Kinilala ni Major Frank Roldan, tagapagsalita ng 9th Infantry Division Philippine Army, ang napatay na NPA na si Nestor Postre, alyas “Barbie” o “Bebot.”
Sinabi ni Roldan, bandang 9:45 ng umaga nang nagkasagupa ang tropa ng 81st Infantry Battalion at Ragay PNP at ilang kasapi ng NPA sa Barangay Salvacion ng nasabing bayan.
Tumagal ng 15-minuto ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkamatay ni Postre habang nakatakas ang mga kasamahan nito.
Sa bayan naman ng San Jacinto, Masbate, bandang 3:00 PM ay dalawang hindi pa nakikilalang NPA ang napatay sa sagupaan ng tropa ng pamahalaan.
Tumagal ng 30-minuto ang bakbakan ng nakasagupa ng militar ang nasa 20 armadong rebeldeng NPA na ikinasawi ng 2 habang nakatakas ang iba patungo sa liblib na lugar sa nasabing bayan.
Narekober ng militar sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro ang M-16 rifle at M203 grenade launcher na pinaniniwalaan iniwan ng mga rebelde.
Wala naman naiulat na nasugatan o nasawi sa panig ng gobyerno.
Nagpapatuloy naman ang ginawang pagtugis ng militar laban sa mga rebeldeng grupo. Mary Anne Sapico