Home NATIONWIDE 3-month extension sa PUVMP gamitin sa pagrebyu ng programa – solon

3-month extension sa PUVMP gamitin sa pagrebyu ng programa – solon

MANILA, Philippines- Iminungkahi ng tatlong mambabatas na gamitin ng Department of Transportation (DOTr) ang tatlong buwang ekstensyon sa implementasyon ng PUV Modernization Program (PUVMP) upang muling rebyuhin at pag-aralan ang kahihinatnan ng kagalingan ng drayber at operator sa programa.

Sinabi ni Poe, chairman ng Senate Committee on public services na magandang pangitain ang naaaninag sa pagpapalawig ng PUV modernization program dahil nakasalalay dito ang kagalingan ng commuter at kabuhayan ng libong drayber.

“Pulling the brakes on the PUV modernization program is a far reaching initiative when the welfare of our commuting public and the livelihood of thousands of drivers are at stake,” ayon sa mambabatas.

Sinabi ni Poe na magagamit ang tatlong buwang extension sa pagsasagawa ng malalimang pagsusuri sa program upang makita ang nakamit at mas mahusay na maintindihan ang pagtutol ng ilang grupo sa programa.

“Napatunayan na ang pinakamalaking hadlang ang halaga ng bagong sasakyan sa pagpapatupad ng modernization, at hindi dapat balewalain,” giit ni Poe.

Kailangang silipin din ng pamahalaan ang ulat na may nakatiwangwang na yunit at hindi nababayarang amortisasyon ng ilang consolidated groups upang makita ang viability ng programa, ayon kay Poe.

“Dapat bukas din ang transport officials sa mas mababang halaga ng alternatibong pamamaraan tulad ng rehabilitasyon ng jeepney na maaari pang pumasada upang maging environmentally-compliant,” paliwanag ng mambabatas.

“Hindi dapat nakasara ang modernisasyon sa consolidation at igarahe sa junkyard ang ating iconic jeepneys,” dagdag ng senadora.“It should be about rejuvenating our transportation landscape to make it safer and more reliable to our commuters, and at the same time sustainable to our drivers and operators.”

Iminungkahi naman ni Senador Imee Marcos sa Palasyo na gamitin ang tatlong buwang extension sa paglikha ng komprehensibong estratehiya na bibigyan ng prayoridad ang mga Filipino upang mapanatili ang iconic design ng dyip.

Aniya, magandang hakbang at nasa tamang direksyon ang ekstensyon.

“This additional time should be used not only to allow jeepney drivers to consolidate. This period should be used to come up with a better solution to allow our jeepney drivers and owners to continue with their livelihood,” ayon kay Marcos.

“Instead of the proposed phase-out, we need a comprehensive strategy that prioritizes the needs of all Filipinos,” patuloy niya.

Iminungkahi ng mambabatas ang sumusunod na estratehiya na dapat ikonsidera sa PUV Modernization Program:

  • “Modernizing existing jeepneys: Retrofitting with cleaner engines, promoting cleaner fuels, and improving safety standards.

  • Investing in infrastructure: Expanding and improving roads, bridges, and mass transit systems to address congestion and create a well-connected network.

  • Developing sustainable alternatives: Encouraging electric and hybrid vehicles, promoting carpooling and cycling, using renewable fuels, and exploring micro-mobility options.”

Samantala, sinabi naman ni Senator JV Ejercito na mabibigyan ng sapat na panahon ang sinumang gustong makipag-partner sa gobyerno na lutasin ang lumalalang problema sa sistema ng transportasyon at mag-alok ng maasahang serbisyo sa publiko.

Ipinagpaliban ng pamahalaan hanggang Abril 30, 2024 ang implementasyon ng pagtatayo ng kooperatiba o korporasyon sa  jeepney drivers at operator sa ilalim ng consolidation program.

Papalitan ng PUV Modernization Program ang traditional jeepneys ng sasakyan na pawang Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon at palitan ang yunit na hindi na angkop sa kalsada sa ilalim ng pamantayan ng Land Transportation Office (LTO).

Bukod sa sunod-sunod na protesta, nakatakdang maghain ng petisyon ang transport group sa Supreme Court upang kuwestiyunin ng program dahil mawawalan sila ng yunit kapag inilipat ang vehicle registrations sa transport cooperatives. Ernie Reyes

Previous articleP4M shabu nasabat, 2 suspek arestado
Next articleDropouts dahil sa maagang pagbubuntis, pagpapakasal bumaba