MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Huwebes, Oktubre 26 na sumuko na sa mga awtoridad ang tatlong opisyal na inisyuhan ng warrants of arrest dahil sa direct bribery.
Sa pahayag, sinabi ng BuCor na sina armory chief Alex Hizola, Corrections Officer Arcel Acejo Janero, at Corrections Officer Henry Escrupolo ay sumuko sa mga awtoridad para makapagpiyansa ng P60,000 sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Ang tatlo ay inisyuhan ng warrants of arrest ni Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 204 Judge Abraham Joseph Alcantara.
Anang BuCor, ang tatlong opisyal ay kinasuhan dahil sa panunuhol makaraang maaresto noong Setyembre sa paghingi ng pera kapalit ng pagbibigay ng armas sa isang corrections officer.
Si Janero ay naaktuhang tumatanggap ng P6,500 kapalit ng paglalabas ng short firearms sa isang entrapment operation.
Kasabay ng interrogation, sinabi ni Janero na ibibigay niya ang pera kay Escrupolo.
Nadiskubre ng mga awtoridad ang palitan ng text messages sa pagitan nina Escrupolo at Hizola kaugnay pa rin sa “issuance of firearms”, ayon sa BuCor.
Naniniwala naman si BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na ang hakbang na ito ay magbibigay-babala sa lahat ng mga tauhan ng BuCor sa kanilang mga kinikilos.
“We will not tolerate any wrongdoings in the agency and we will continue our relentless drive to weed the agency of undesirables,” ani Catapang. RNT/JGC