MANILA, Philippines- Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Pakistan national na umano’y may kaugnayan sa isang lokal na teroristang grupo sa isinagawang operasyon sa Zamboanga del Sur.
Nabatid sa BI na naaresto sa sa Purok Durian sa Barangay Pinig Libano, Dumalinao, Zamboanga del Sur noong Oktubre 3 si Pakistani Faizan Muhammad alyas Faizan Khan, 34, dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili at sa pagiging undocumented alien.
Si Muhammad, kasama ang isang Ali Wahab, ay inireklamo ng isang Pilipina matapos ang pagkakautang sa kanya ng mga paninda sa loob ng halos isang taon. Ayon sa reklamo, si Muhammad ay nagtataglay ng expired na travel document at overstaying na sa bansa mula noong 2015.
Iniulat na hinarass ng dalawa ang pamilya ng nagrereklamo at pinagbantaan siyang papatayin dahil suportado sila ng isang teroristang grupo.
Dahil dito, agad na naglabas ng mission order si BI Commissioner Norman Tansingco para ipatupad ang pag-aresto kay Muhammad. Sa kanyang pag-aresto, hindi nakapagpakita ng pasaporte si Muhammad at nakapagpakita pa ng Philippine National ID sa kabila ng pagiging dayuhan.
Ang umano’y kasama niyang si Ali Wahab, 36, ay natagpuan at naaresto sa Barangay Banago, sa Balabagan, Lanao del Sur.
Natagpuan si Ali kasama ang isa pang Pakistani na kinilalang si Ajmal Ali, 35. Parehong napag-alamang overstaying at undocumented, at si Ali ay na-tag ng isang ulat bilang isang supplier ng mga materyales para sa isang lokal na grupong extremist sa Central Mindanao.
Nagprisinta rin si Ali ng Philippine driver’s license na nagsasaad ng kanyang nasyonalidad bilang Filipino. Parehong hindi maipakita ang kanilang mga dokumento sa paglalakbay.
Agad na inaresto ang tatlo at nahaharap sa kasong paglabag sa Philippine immigration act of 1940. JAY Reyes