Home METRO 3 pang bangkay narekober sa Davao de Oro landslide

3 pang bangkay narekober sa Davao de Oro landslide

MANILA, Philippines- Pumalo na sa 10 bangkay ang narekober mula sa landslide area sa Maco, Davao de Oro matapos makuha pa ang tatlo nitong Huwebes, habang dose-dosena pa ang nawawala, ayon sa provincial government.

Batay sa impormasyon mula sa Maco Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) hanggang nitong alas-2:30 ng hapon, sinabi ng Davao de Oro government na 49 indibidwal pa ang nawawala.

“We have recorded that ten (10) bodies have been recovered from the landslide and thirty-one (31) injured persons have been rescued,” pahayag ng provincial government.

“Currently, there are forty-nine (49) reported missing individuals,” dagdag nito.

Nitong Huwebes ng gabi, nasapul ng landslide ang garahe ng isang bus company, barangay hall, at residential areas sa Zone 1 Barangay Masara sa bayan ng Maco.

Malapit ang apektadong lugar sa isang mining site kung saan nagtatrabaho ang mga empleyado sa tatlong shifts para sa 24-hour operation nito. Pauwi na ang ilang trabahador nang maganap ang insidente.

Bukod sa halos 30 pasahero ng dalawang bus, mas maraming residente ang pinangangambahang natabunan sa landslide, ayon sa local disaster officials.

Hamon sa rescuers ang malawak na saklawa ng landslide.

Bago ang insidente sa Maco, may kabuuang 21 ang naiulat na namatay sa pagbaha at landslides sa Davao de Oro at Davao del Norte, ayon sa provincial disaster risk reduction and management offices.

Hanggang nitong Huwebes ng umaga, 1,193,443 indibidwal ang apektado ng Northeast Monsoon o Amihan at ng trough ng low pressure area (LPA), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kabilang sa mga apektadong rehiyon ang Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, Caraga at Bangsamoro.

Sa bilang na ito,  68,024 indibidwal o 18,551 pamilya ang nananatili sa 275 evacuation centers, habang 605,573 katao o166,271 pamilya ang nasa ibang lugar.

Base sa OCD XI, unti-unti nang nagbabalikan ang ilang evacuees sa Maco amatapos suriin ng mga awtoridad ang lugar kung saan naganap ang landslide.

Naiulat naman ang P123,547,000 halaga ng pinsala sa imprastraktura, kung saan kabuuang 1,308 kabahayan ang napinsala—552 ang tuluyang nawasak habang 756 ang nagtamo ng sira.

Nagdeklara naman ng state of calamity sa buong lalawigan ng Agusan del Sur at sa bayan ng Lingig sa Surigao del Sur.

“On 28 January 2024, the Northeast Monsoon and the Trough of the LPA ffected Mindanao,” pahayag ng NDRRMC.

“The trough of the LPA continued to bring light to heavy rains until 03 February 2024. This resulted in flooding and landslide incidents in some areas in Mindanao. On 03 February 2024, 11:00 AM, the LPA has dissipated,” dagdag nito. RNT/SA

Previous articleE-gates sa PH int’l airports ia-upgrade ng BI
Next article‘Stronger Mindanao’ isinusulong ni PBBM