Home NATIONWIDE 3 panukala na nakatutok sa edukasyon, aprubado na sa ikalawang pagbasa sa...

3 panukala na nakatutok sa edukasyon, aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang tatlong panukala na naglalayong mas lalo pang paunlarin ang edukasyon sa bansa.

Ang mga panukalang ito ay ang mga House Bills (HBs) 9978, 9982 at 9936.

Ang House Bill 9978, na kikilalanin bilang “Moratorium on Payment of Student Loan Act,” ay naglalayong pahintulutan ang pansamantalang pagpapahinto ng paniningil sa pagkakautang ng mag-aaral sa oras ng kagipitan pangunahin na bago o matapos ang isang kalamidad.

Ang HB 9982 na kikilalanin bilang “Strengthened Higher Education Institutions Act,” ay naglalayong tukuyin ang supervisory at regulatory role ng pamahalaan sa lahat ng pampubliko at pribadong higher education.

Nakatuon ito sa pagpapasigla ng akademya gayundin ang pagsasaayos ng mga criteria sa pagtatatag ng higher education institutions (HEIs), at magtakda ng mga minimum requirements sa kanilang mga inaalok na kurso.

At ang panghuli, layon ng HB 9936 na bigyan ng kagaanan ang Deparment of Education na gumamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo ng basic education curriculum, upang matiyak ang kasanayan ng mga mag-aaral sa karunungan at kaalaman sa bawat antas.

Sa ilalim ng parehong panukala, ang basic education curriculum at pamamaraan sa pagtuturo ay rerebisahin kahit minsan kada limang taon. Kapag naisabatas, aamyendahan ng HB 9936 ang Section 5 ng RA 10533, na kilala rin bilang “Enhanced Basic Education Act of 2013.” Gail Mendoza

Previous articleWebsite ng Kamara nakaranas ng cyberattack
Next articleAverage na kaso ng COVID araw-araw bumaba sa 36