Home HOME BANNER STORY 3 patay sa Hinatuan quake – NDRRMC

3 patay sa Hinatuan quake – NDRRMC

MANILA, Philippines-  Umabot na sa tatlong katao ang nasawi matapos ang magnitude 7.4 earthquake na tumama sa  Hinatuan, Surigao del Sur.

Sa bagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga nasawing katao ay mula sa Davao at Caraga regions.

Tinatayang 48 indibidwal naman ang napaulat na nasugatan.

May kabuuang 528,203 katao o 132,615 pamilya ang apektado ng malakas na lindol sa Davao, Caraga, at Northern Mindanao regions.

Sa apektadong populasyon, 28 katao o walong pamilya ang nananatili sa evacuation center, habang  23 katao naman o anim na pamilya ang nanunuluyan sa ibang lugar.

May kabuuang 1,845 indibidwal o 447 pamilya naman ang nauna nang inilikas sa Davao Region.

“A total of 3,887 houses were reported damaged —3,583 partially and 304 totally,” ayon sa NDRRMC.

Sumampa na ang pinsala sa imprastraktura sa halagang  P4.81 milyon.

Naranasan naman ang problema sa linya ng komunikasyon sa 19 lugar at isyu ng water supply sa isang lugar sa  Caraga.

Nauna rito, idineklara naman ang state of calamity sa Surigao del Sur.

Tinatayang 83 klase at 44 work schools ang sinuspinde.

Sa ngayon, umabot na sa P3,935,406 ang halaga ng tulong na ibinigay sa mga biktima ng lindol.

“The magnitude 7.4 earthquake struck off the coast of Hinatuan, Surigao del Sur on Saturday evening,” ayon naman sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Nakapagtala naman ng 600 aftershocks, 12 sa mga ito ay may lakas na magnitude 4.2 hanggang 6.2.

Ramdam ang pagyanig sa maraming lugar sa Min­danao at maging sa ilang lugar sa Visayas, Catanduanes at Sorsogon sa Luzon.

Pinakamalakas ang Intensity 7 sa Tandag, Surigao del Sur, Intensity 6 sa Bislig Surigao Del Sur at Intensity 5 sa Cagayan de Oro City, Nabunturan, Davao de Oro at Davao City.

Agad na nagsilabasan ang mga empleyado ng BPO, ospital at residente sa Matina Enclaves dahil sa malakas na pagyanig.

Inalis na ng Phivolcs ang inilabas nitong Tsunami Warning.

Ayon naman kay DOST Sec. Renato Solidum, ang naganap na lindol ay isang “Big One.” Kris Jose

Previous articleRIIZE may comeback sa January!
Next articleHigit 2,400 websites na sangkot sa e-sabong ops tinanggal ng PNP