Home METRO 3 patay sa pamamaril sa Lanao

3 patay sa pamamaril sa Lanao

LANAO DEL NORTE- PATAY ang isang caretaker at magkapatid matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek nitong Martes, Setyembre 19 sa probinsyang ito.

Kinilala ang mga biktima na sina Undo Alfante, residente ng Tacub, Kauswagan, Lanao del Norte, Mike Maglangit Yungco, 37-anyos, may asawa, residente ng Isla Verde, Kauswagan, Lanao del Norte at Mark Maglangit Yungco, 40-anyos, may asawa, residente ng Bagombayan, Kauswagan, Lanao del Norte.

Batay sa report ng Police Regional Office 10, bandang 11:45 AM ng maganap ang krimen sa Inudaran, Kauswagan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, abala si Alfante sa pag-asikaso sa isang kustomer na bumibili ng prutas na ‘marang’ ng biglang sumulpot ang mga armadong suspek.

Walang babalang pinagbabaril ang biktima na na tinamaan sa batok at tumagos sa mukha nito na naging sanhi ng agaran nitang kamatayan.

Sakto naman dumadaan ang magkapatid sa nasabing lugar galing sa pamimingwit sa ilog at maging sila ay pinagbabaril ng mga suspek na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nilang kamatayan.

Mabilis naman tumakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen nakapulot sila ng dalawang fired cartridge case ng caliber M16 at dalawang fired cartridge cases ng caliber M14.

Nagpapatuloy ang ginagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran ikadarakip sa mga ito. Mary Anne Sapico

Previous articleMga OFW sa Korea binisita ni VP Sara
Next articleMisis kritikal sa chikinini