MANILA, Philippines- Napigilan ang tatlong kababaihan na nagpanggap na government employees na makasakay sa kanilang flight papuntang South Korea sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa pekeng dokumento, ayon sa Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na nagpakita ang tatlo ng travel authorities kung saan nakasaad na nagtatrabaho sila sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ang travel authorities ay mga dokumento na nagbibigay-permiso sa government employes na makaniyahe para sa official o personal reasons.
Subalit, nagsuspetsa ang BI frontliners dahil sa hindi pagkakatugma ng kanilang pahayag, dahilan upang busisiin ang kanilang dokumento. Kalaunan ay inamin nila na nakuha nila ang mga dokumento mula sa isang vendor sa Quiapo, Manila.
“During the interview, they admitted that they paid P150,000 to a contact they met through Facebook to process their documents,” pahayag ni Tansingco.
Batay sa imbestigasyon, ang tatlo ay posibleng biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
Samantala, isinangguni na ang kanilang kaso sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa masusing imbestigasyon. RNT/SA