Home METRO 3 pekeng parak isinelda sa pangingikil

3 pekeng parak isinelda sa pangingikil

LUCENA CITY- Arestado ang tatlong huwad na pulis nitong Sabado, dahil sa umano’y pangingikil sa bayan ng Cainta sa lalawigan ng Rizal.

Sa ulat, sinabi ng Region 4A police na nalambat ng lokal na awtoridad ang nagngangalang “Ericsson”, “Daryl”, at “Rafael” sa isang entrapment operation sa Barangay San Andres bandang alas-5 ng umaga.

Nag-ugat ang aksyon ng kapulisan sa reklamo ng isang nagngangalang “Mr. Leal” na sinabi sa kanya ng mga suspek na nagpakilalang mga pulis, sa isang text message, na naaresto nila ang kaibigang si “Shin” dahil sa ilegal na droga.

Humingi ang mga suspek ng P8,000 kapalit ng kalayaan ni Shin at hindi pagkakadawit ni Mr. Leal sa drug case dahil nahuli umano si Shin na dala ang cellphone ni Mr. Leal.

Iniulat ito ng target victim sa mga pulis nagsagawa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Kasalukuyang nakaditene ang mga naarestong suspek at nahaharap sa kaukulang kaso habang nakatakas si “Shin.” RNT/SA