MANILA, Philippines – Tatlong pulis ang ipinasisibak sa tungkulin ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCPO) hinggil sa pamamaril at paggranada sa tanggapan ng Northern Police District (NPD)-Drug Enforcement Unit (DDEU) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) North – Metro Manila District Field Unit noong Mayo 20.
Inatasan si PBGEN Ponce Rogelio Penones, District Director ng NPD na alisin sa pwesto sina PLTCOL MICHAEL CHAVEZ, NPD DDEU; PMAJ DENNIS ODTUHAN, Assistant Chief, NPD DDEU; at PCAPT IVAN RINQUEJO, Commander, Sub Station 4 upang bigyang daan umano ang masusing imbestigasyon hinggil sa naturang pangyayari.
Maliban dito, binigyan ng isang linggong palugit ang Caloocan City Police Station upang matukoy kung sino ang mga walang habas na nagpaputok ng baril at naghagis ng granada sa nasabing opisina.
Magugunitang nitong Sabado ng madaling araw, Mayo 20 ay ginulantang ng sunod-sunod na putok ng baril na sinundan ng paghahagis ng granada ang harapan ng tanggapan ng DDEU dakong ala-1:45 ng madaling-araw.
Magugunitang tumagos ang mga bala sa loob ng tanggapan ng DDEU na dahilan ng pagkasira ng hagdanan at pagkakaroon din ng tama ng bala at metallic fragment ng granada ang dalawang nakaparadang sasakyan sa harapan ng naturang tanggapan.
Mariin umanong kinokondena ng NCRPO ang ganitong klase ng pag-atake at maling gawain dahil nalagay sa panganib ang buhay hindi lamang ng kapulisan kundi maging ang buhay ng naroon sa nasabing lugar nang maganap ang insidente.
Advertisement