LEYTE- NANAWAGAN ang pamunuan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa Philippine National Police (PNP) na huwag ipagkibit-balikat at imbestigahan ang ginawang panghaharas ng babaeng pulis sa tatlong mamahayag noong Biyernes sa bayan ng Pastrana.
Ayon kay PTFoMs executive director Paul Gutierrez, isang viral video sa social media ang nagpakita ng isang pulis mula sa Pastrana Police Office, na kinilalang si Staff Sgt. Rhea Mae Baleos, “inaatake” ang mga tauhan ng lokal na telebisyon na San Juanico TV.
Kinilala ang mga biktima na sina Noel Tampil Sianosa Jr., Ted Allen Tomas, at Lito Bagunas.
Sinabi ni Gutierrez, noong Hulyo 14, bandang 9:30 AM, nagtungo ang tatlong reporter sa Barangay Jones, Pastrana, Leyte para kapanayamin ang mag-asawang magsasaka hinggil sa away-lupa.
Habang nasa gitna ng interbyu bigla na lamang sumulpot si Baleos at pinahihinto ang ginawang interbyu ng tatlong reporter.
Makikita rin sa video na galit na galit si Baleos at pilit nitong kinukuha ang cellphone ni Sianosa saka pinagtutulak.
Ilang minuto ang makalipas nakarinig na lamang sina Tomas ng mga putok ng baril at sinabing nakita niya ang pulis na naka-uniporme na siyang nagpaputok.
Sinabi ni Tomas na sumigaw siyang “Wag kayong magpapaputok. Mga media kami.”
Base sa inisyal na imbestigasyon ang mag-asawang magsasaka ay mga benepisyaryo ng land reform program ng gobyerno.
Lumabas din sa imbestigasyon na ang lupa at isinanla umano sa mag-asawang pulis na Baleos.
Hinimok ni Gutierrez ang PNP sa Eastern Visayas na “agad na mag-imbestiga, at kung kinakailangan, magpataw ng disciplinary action” kay Baleos at iba pang pulis mula sa Pastrana Police Office na sangkot.
Aniya, siniguro niyang patuloy na susubaybayan ng PTFoMS ang nasabing insidente.
Pinaalalahanan rin nito ang mga alagad ng batas na hindi kukunsintihin ng administrasyong Marcos at ng pamunuan ng PNP ang anumang pang-aabusong gagawin sa sinumang mamamayan, partikular sa mga miyembro ng pamamahayag.
Nagpasalamat naman si Gutierrez sa kanyang mga kasamahan mula sa National Union of Journalists of the Philippines sa pag-alerto sa publiko tungkol sa insidente.
Samantala, sa isang pahayag naman na nai-post sa Facebook noong Sabado, itinanggi naman ni Pastrana police acting chief Maj. Darwin Dalde na ang mga putok ay hindi nagmula sa mga baril ng kanyang mga tauhan./Mary Anne Sapico