MANILA, Philippines – Karamihan sa mga hirit ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kaugnay sa PUV Modernization Program ay kaya namang pagbigyan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes, Nobyembre 21.
Sa panayam, sinabi ni LTFRB spokesperson Celine Pialago na ang tatlong demands ng grupo ay “doable” naman katulad ng waiver of penalty, pagpapalawig ng prangkisa ng hanggang limang taon, at pagpapagaan sa ilang probisyon sa Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
“Doable ang tatlong ‘yun. Ang hindi lang doable ay ang pag-drop ng consolidation process. Pero ang kapalit naman no’n ay ang process can be simplified,” ani Pialago.
Nagpapatuloy pa rin ang tigil-pasada ng PISTON na nagsimula kahapon at magtatagal hanggang bukas, Nobyembre 22, upang iprotesta ang PUV Modernization Program ng pamahalaan, partikular na ang December 31 deadline na ibinigay sa mga jeepney operator para sa consolidation.
Inihayag ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III nitong Lunes na pinag-aaralan na ng LTFRB ang demands ng PISTON at nagsabing bukas sila na mag-alok ng limang taong prangkisa sa mga jeepney operator bilang bahagi ng negosasyon.
Sa kabila nito, iginiit ng jeepney drivers at operators na hindi na nila mahihintay pa ang pag-aaral ng LTFRB dahil nalalapit na ang deadline para sa consolidation ng mga traditional jeepney.
“Lahat ‘pinag-aaralan’. Pinasimple na natin ang ating demands — tanggalin ang deadline, tanggalin ang consolidation, ibasura ang phaseout. Ang sagot ng LTFRB, puro ‘pag-aaralan’, puro paasa,” anang PISTON.
Ani Pialago, ang waiver ng penalty para sa mga drayber at operator ay pwede nang maipatupad ngayong buwan.
“‘Yung waiver of penalty, every year merong confirmation fee ang mga tsuper, nasa P1,000 ito. Base sa datos ng LTFRB, meron mga operators na almost P5,000 to P10,000 na ang kanilang penalty. ‘Yung confirmation, ito ang binibigay sa LTO (Land Transportation Office) bago sila magparehistro. Dati wala pang connectivity ang LTO at LTFRB. So hindi na nila dinadaanan ang confirmation. Ngayong merong connectivity na, nakita na meron na silang violation,” paliwanag niya.
Ayon sa LTFRB, nasa 70% ng PUV operators ang nakatugon na sa modernization program. RNT/JGC