Home OPINION 3 SA 4 PINOY HANDANG LUMABAN PARA SA BANSA

3 SA 4 PINOY HANDANG LUMABAN PARA SA BANSA

NASA 77% ng adult Filipinos o tatlo sa bawat apat na Filipino ang handang sumabak sa isang military conflict sa sinomang dayuhan para ipagtanggol ang bansa. Ito ang naging resulta ng isinagawang “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research na ginawa nitong December 2023.

Tinanong ang nasa 1,200 respondents mula December 10, 2023 hanggang December 14, 2023 at may margin na +/- 3%.

Ang naging katanungan ng OCTA Research, “Kung magkakaroon ng kaguluhan sa pagitan ng Pilipinas at dayuhang kalaban, handa ka bang lumaban para sa iyong bansa?”
Pinakamataas na sagot ang naitala sa Mindanao, 84% ha­bang pinakamababa ang Visayas, 62%.

Pagdating sa socio-economic classes, nasa Class D ang pi­nakamaraming sumagot, 80% habang halos pantay lamang ang Class E at Class ABC na nasa 68% at 67%.
Nanguna sa katapangan ang mula sa Davao region at CARAGA na parehas nasa 96% at kasunod ang SOCCSKSARGEN, 95%, lahat ay mula sa Mindanao.

Nasa 52% lamang ang Central Visayas at 54% ang Bicol region.

Mas maraming nasa urban areas ang handang humawak ng sandata para magtanggol na nasa 80% habang nasa 73% ang nasa rural areas.

Nasa 82% ang mga lalaki kumpara sa 72% ng mga babae.

Pagdating sa antas ng pinag-aralan, mga nakapagtapos ng vocational education ang mas agresibong magtanggol sa bansa kumpara sa 79% ng mga high school graduate at 74% ang nagtapos lamang ng elementarya at walang pormal na edukasyon. Nasa 70% lamang sa college graduate o may postgraduate education.

Ang mga nasa edad 40 hanggang 45 naman ang pinakamasigasig na lumaban na nasa 87%, habang parehas na 77% ang mga age bracket 25 hanggang 34, at 35 hanggang 44.
Nasa 72% naman ang mula 18 hanggang 24 ang edad.

Matatandaan na noong December 2023 ay naging mainit na usapin ang paggamit ng water cannon sa barko ng BFAR o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na patungong Scarborough Shoal na bahagi ng EEZ o exclusive economic zone ng bansa.

Nasundan ito ng pagbomba ng tubig at pagharang sa isa sa mga barkong bahagi ng resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakadausdos sa nasabing banlik o bahura.

Para sa mainland China, ginagawa lamang nila ang tamang hakbang dahil pinapasok diumano ng Pilipinas ang kanilang teritoryo. Pero matatandaan na ibinasura ng arbitrary court ang pag-aangkin ng China sa buong South China sea gamit ang nine-dash line.

Sabi ng United States, may obligasyon itong ipagtanggol ang Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.

Minsan nang napasabak sa World War II ang bansa noong 1941 hanggang 1945 kung saan tinatayang nasa one million ang napaslang na military at mga sibilyan habang ang Maynila ay itinuring bilang “second most destructed city after Warsaw”.

Previous articleBinatilyo todas sa pamamaril
Next articleLAGUNA PD DINIKDIK SA CONGRESS INQUIRY NG SUGAL