Home METRO 3 senior patay sa sunog!

3 senior patay sa sunog!

MANILA, Philippines- Ilang araw bago magsimula ang Fire Prevention Month, tumama ang trahedya sa isang barangay sa Taytay, Rizal matapos masawi ang tatlong senior citizens sa sunog nitong Linggo ng gabi.

Magkakapatid ang tatlong biktima, ayon sa ulat nitong Lunes.

Sumiklab ang sunog lampas alas-9 ng gabi sa isang residential area sa Kilometer 36 sa Barangay Dolores.

Batay sa Bureau of Fire Protection-Taytay, mabilis kumalat ang apoy mula sa isang tahanan sa dalawa nitong katabing bahay.

Malaki na ang sunog nang dumating ang mga bumbero, kaya naman itinaas ng BFP ang Alert Level 1.

Naapula ng mga bumbero ang sunog sa loob ng isang oras, subalit nahirapan sila.

“Nahirapan po ang mga bumbero natin kasi bawat tapak nila sa tubig at sa yero, nakukuryente po sila, pati rin po ako, kasi po kami ang mga first responder. Yung wire nakadikit sa bakal,” pahayag ni BFP Taytay Fire Officer 1 John Randolph Baldonado.

Batay sa isag kaanak, nakalabas ng bahay ang dalawa sa mga biktima subalit binalikan nila ang kanilang kapatid na isang person with disability.

Sa kasamaang-palad, na-trap ang tatlo sa nagliliyab na bahay at namatay.

Iniimbestigahan pa ng BFP ang sanhi ng sunog.

Tinatayang aabot sa P350,000 ang initial property damage subalit patuloy pa ang pagsusuri.

Samantala, pinaalalahanan ng BFP ang publiko na mag-ingat: “Remind ko lang po sa publiko na iwasan nating iwanan na nakasaksak at naka-on ‘yung ating mga appliances. Kadalasan kasi, ‘yon ang mga sanhi ng sunog natin. Kagaya rin po ng pagluluto natin, huwag rin po nating iiwanan. ‘Yon po ang madalas na sanhi ng sunog dito sa Taytay,” ani Baldonado.

Ginugunita ang Fire Prevention Month tuwing buwan ng Marso kada taon. RNT/SA

Previous articleMajor lotto jackpots mailap
Next article2 mangingisda nasagip sa lumubog na bangka sa Quezon