MANILA, Philippines – Nagsagawa ng pinaigting na sunod-sunod na operasyon ang Substation 2 at 3 ng Taguig City police na nagresulta ng pagkakaaresto sa tatlong robbery/holdup suspects sa C-5 Waterfun Area sa lungsod.
Ang pagsagawa ng operasyon ay bunsod sa kumalat na nag-viral na video sa social media kung saan nag-post ang isang lalaking biktima ng mga insidente ng pangho-holdap at snatching sa nabanggit na lugar.
Kinilala ng Taguig City police ang mga inarestong suspects na sina Jeaford Dela Torre y Cabasag, 28; Jhon Paul Dagpin, 20; at Raffy Mirafuentes y Sueco, 23.
Unang nadakip sa pagsasagawa ng pagpa-patrol at anti-criminality operation ng Substation 3 si Dela Torre dakong alas 4:30 ng madaling araw ng Agosto 24 kung saan nakuhanan pa ito sa kanyang posesyon ng isang heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng isang gramo ng hinihinalang shabu na angkakahalaga ng ₱6,800.
Sa ikalawang araw na pagsasagawa ng Oplan Galugad operations noong Agosto 25 ay nasakote naman ang dalawa pang suspects na sina Dagpin at Mirafuentes kung saan ang modus operandi ng mga ito ay magtago sa madilim na bahagi ng lugar habang naghihintay ng kanilang bibiktimahin ng holdap.
Lumutang naman nitong Agosto 26 ng hapon sa Taguig City police ang isang lalaki na naging biktima ng holdap sa C-5 Waterfun area kung saan positibong kinilala nito ang mga suspects na nambiktima sa kanya.
Ang mga suspects ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Taguig City police habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa laban sa kanila sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Ang pagkakaisang pagsisikap ng pulisya, barangay personnel, force multipliers, community engagement, concerned citizens at suporta ng lokal na pamahalaan na nagresulta ng matagumpay na operasyon ng pagkakaaresto sa mga suspects. James I. Catapusan