MANILA, Philippines – DAHIL sa patuloy ang operasyon laban sa droga, tatlong katao kabilang ang dalawang babae ang isinelda ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District – Raxabago Police Station 1, nitong Martes ng hapon, Oktubre 17 sa Upper Smokey Mountain Barangay 128, Tondo, Manila.
Kinilala ang target ng operasyon na si Tony Cerna, alyas “Intoy”, 30 anyos, kaanib ng Sputnik Gang, binata ng NBBN, Navotas City.
Kasama nito sina Mary Rose Pando, 31, may asawa ng Baseco Compound, Port Area at si Maricel Lauro, 39, biyuda ng Upper Smokey Mountain.
Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, Station Commander, bandang 5:30 ng hapon nang ikasa ang buybust operation sa naturang lugar.
Pinangunahan ni Police Lieutenant Jomar De Belen ang inilatag na buybust at isa sa mga tauhan nito ang nagpanggap na buyer.
Nang magkaabutan, dito na dinamba ang tatlo at narekober ang halos dalawang bulto ng hinihinalang shabu na nasa plastic sachet katumbas ng halagang P340,000.00.
Dahip dito, ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article ll ng R.A 9165. Rene Crisostomo