CARMEN, Bohol – HINDI na nakarating pa sa sikat na tourist spot sa probinsyang ito na ‘Chocolate hills’ ang tatlong turista na sakay ng van matapos na masawi dahil sa nakatulog ang driver at sumalpok sa tulay nitong Lunes ng umaga, Oktubre 23 sa bayang ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Abelardo Cagampang, 48; Janice Rosen Bonbon, 35; at Marlon Ondos, na pawang taga-Bansalan Davao del Sur.
Habang ginagamot naman sa Carmen hospital ang mga sugatan na sina Junrey Malisa Cagampang, 39, drayber ng van; Lucino Cagampang, 34 anyos; at Jasper Argomes, 23.
Ayon kay Police Corporal Joey Baquiano, imbetigador sa nasabing kaso, naganap ang insidente sa Camanayon bridge na matatagpuan sa Buenos Aires, Carmen, Bohol.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang anim na pasahero ng van galing sa isla ng Panglao at bumiyahe ang mga ito madaling-araw nitong Lunes patungong Chocolate hills.
Subalit habang binabaybay ni Junrey ang nasabing lugar ay nakatulog ito dahilan para bumangga sila sa nasabing tulay.
Samantala, posibleng maharap sa reklamong reckless driving resulting in multiple homicide at injuries ang driver ng van.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. Mary Anne Sapico