MANILA, Philippines – Nasa 250,000 hanggang 300,000 volunteer sa buong bansa ang inaasahang lalahok sa pagmonitor sa mga kaganapan sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE 2023) bukas, Oktubre 30, sinabi ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) nitong Linggo.
Sa panayam, sinabi ni PPCRV national coordinator Arwin Serrano na magdaraos ng send-off ceremony para sa kanilang mga volunteer at idaraos bago o pagkatapos ng misa.
Sinabi rin ni Serrano na naghahanap pa rin ang PPCRV ng mga volunteer sa ilang lugar na hindi pa nila mamonitor.
“Mayroon kaming mga iba’t ibang lugar na hindi mababantayan. Nalulungkot din ako kasi mayroon talagang ilang lugar na hindi talaga natin mababantayan,” ani Serrano.
Ayon kay Philippine National Police chief Police General Benjamin Acorda Jr. nitong Biyernes, “all systems go” na sa seguridad sa BSKE.
Ang botohan ay gagawin mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Mayroong 42,001 barangay sa bansa na may magkakaparehong bilang ng pwesto para sa chairperson ng barangay at SK na pagbobotohan sa BSKE 2023.
Mayroon namang kabuuang 828,644 na kandidato ang tumatakbo sa pagka-barangay chairperson at kagawad. RNT/JGC