MANILA — Matapos ang dalawang taon na hindi nakauwi sa kanilang mga pamilya dahil sa COVID-19 pandemic, opisyal na nagtapos at umalis sa kampus ang 310 kadete ng Philippine Military Academy (PMA) “Madasigon” Class of 2023.
Ang graduating class ay binubuo ng 238 lalaki at 72 babae, at ipapakalat sa iba’t ibang unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) pagkatapos ng graduation.
Sa mga nagtapos, 158 sa mga ito ay sumapi sa Philippine Army (PA), 77 sa Philippine Navy (PN) at 75 sa Philippine Air Force (PAF), sabi ng PMA.
Personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang graduation rites sa Fort General Gregorio Del Pilar sa Baguio City, ang una niya bilang commander-in-chief ng bansa.
Dahil napilitan silang manatili sa loob ng PMA campus nitong mga nakaraang taon sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19, pabiro na tinawag ni Marcos Jr. ang mga nagtapos na “ang class na walang uwian.” RNT