MANILA, Philippines – MAKALIPAS ang maraming taong paghihintay, 330 na magsasaka-benepisyaryo sa Mamburao, Occidental Mindoro kabilang ang mga dating rebelde, ang nabigyan ng certificates of land ownership award (CLOAs) ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Naging emosyonal si Buenaventura dela Rosa, chairman ng Golden Farms Producers Association, nang magpahayag ng pasasalamat sa DAR sa katuparan ng kanyang pangarap.
“Ako ay masayang-masaya, natupad na rin sa wakas ang pangarap kong magkaroon ng lupa. Naalala kong pumunta ako sa opisina ng DAR at humingi ng tulong sa kanila. Nasaksihan namin kung paano nila kami ipinaglaban sa loob ng mahigit 20 taon. Hindi nila kami binigo, naipanalo nila ang laban para sa amin,” ani dela Rosa.
Kaugnay nito pinangunahan ni DAR Undersecretary for field operations Kazel Celeste ang pamamahagi ng CLOAs sa 258 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na sumasaklaw sa 263.9 ektarya ng lupa na dating pag-aari ng Golden Country Farms Incorporated (GCFI) na matatagpuan sa Barangay Balansay at Tayaman sa Mamburao.
Ipinamahagi din ang 72 CLOA na naipagkaloob sa ilalim ng proyektong Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) sa 72 ARB na sumasaklaw sa 325 ektarya ng lupa.
Samantala sinabi ni Celeste na ilan sa mga magsasakang-benepisyaryo ay mga rebels-returnees, na mga dating miyembro ng New People’s Army (NPA).
“Providing lands to the landless gives these former rebels the support they need as they start over a new life. I am sure that all of you will take care of your lands. Because you were with us fighting for your lands,” ayon kay Celeste.
Sinabi ni DAR Regional Director Marvin Bernal na halos 30 taon nang nakikipaglaban ang mga magsasaka para makuha ang lupa.
“The farmers have been in protest for more than two decades because the owner of GCFI, the land they have been tilling for so long, refused to include its land under the government’s CARP,” ani Bernal.
Ayon kay Bernal, noong 1992, ang GCFI, isang komersyal na sakahan na nakikibahagi sa produksyon ng manok at iba pang hayop, ay naghain ng kanilang protesta laban sa CARP na nagsasabing ang pagmamay-ari ng lupa ay hindi para sa paggamit ng agrikultura. Ang protesta ay tinanggihan ng DAR sa isang kautusang inilabas noong 1993. Pagkatapos ay inapela ng GCFI ang utos sa Office of the President (OP).
Gayunpaman, binaligtad ng OP ang utos dahil ang GCFI ay tumatakbo bilang isang komersyal na sakahan. Noong 2014, sa tulong ng Provincial Agrarian Reform Coordinating Committee (PARCCOM), ang mga grupo ng magsasaka kasama ang mga pribadong organisasyon, ay nagpetisyon sa DAR para sa pagpapawalang-bisa sa exception status ng GCI. (Santi Celario)