MANILA, Philippines- May kabuuang 36 pang Chinese nationals na naunang nadakip sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators hub sa Pasay City ang inaasahang made-deport sa Nanjing, China.
Ito ang ikatlong batch ng deportees na naaresto sa complex na sinasabing pinapatakbo ang operasyon kahit kanselado ang lisensya nito, ayon sa ulat.
Sinabi ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Undersecretary Gilbert Cruz na ididitine muna ang deportees sa loob ng hindi bababa sa isang buwan pagdating sa China, kung saan sila kakasuhan dahil sa paglabag sa anti-gambling laws sa kanilang bansa.
Inihatid ang deportees sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
“They will face criminal cases because they were caught in an online gambling, which is prohibited in China. Any Chinese national caught working in a gambling firm is committing a crime under China’s laws,” ani PAOCC director Winston Casio.
Anang PAOCC, 60 foreign nationals na naaresto mula sa parehong kompanya ang naghihintay pa ng deportation order. RNT/SA