Home NATIONWIDE 36 SUCs umapela sa Kongreso sa pagbabalik ng P6B tapyas sa 2024...

36 SUCs umapela sa Kongreso sa pagbabalik ng P6B tapyas sa 2024 budget

MANILA, Philippines – Hinimok ng ilang state universities and colleges (SUCs) ang mga mambabatas na ibalik ang P6 bilyong pondo na tinapyas sa kanilang proposed budget para sa susunod na taon.

Ayon kay Kabataan party-list Representative Raoul Manuel, pumirma ng unity statement ang mga presidente at opisyal ng 36 SUCs, upang ipanawagan ang augmentation sa alokasyon para sa mga SUCs sa fiscal year 2024.

Sa ilalim kasi ng 2024 National Expenditure Program (NEP), 30 SUCs ang napuruhan ng budget cut, na umaabot sa P6,155,499,000 na bawas sa P100,882,313,000 total budget ng SUCs.

Ang nasabing halaga ay 5.75%na mas mababa sa budget ng SUCs ngayong taon na P107,037,812,000.

“Majority of these cuts were focused on budgets for Capital Outlay, which includes facilities, equipment, and other investments that will serve these institutions for periods longer than the next fiscal year,” saad sa pahayag ng mga SUC.

Iginiit ng mga ito na ang karagdagang budget ay kinakailangan para sa mga learning institution na, “regain their public character and provide ample support for student services and faculty development.”

“If our state universities and colleges are to be expected to do their duties, they must be funded accordingly,” sinabi pa ng mga ito.

Kabilang sa mga signatories ay ang mga pinuno mula sa Polytechnic University of the Philippines, Philippine Normal University, Technological University of the Philippines, Central Luzon State University, Cavite State University, Davao del Sur State College, Caraga State University, Mariano Marcos State University, President, Samar State University, Palawan State University, Mindanao State University – Sulu, Batangas State University, at President Ramon Magsaysay State University.

“Pinasasalamatan at pinagpupugayan po natin ang ating SUC Presidents sa pagtindig para sa karapatan ng higit 2.1 milyong iskolar ng bayan sa libre at de kalidad na edukasyon,” ani Manuel.

Nitong Biyernes, Setyembre 22, ay naghain ng resolusyon ang Makabayan bloc na naghihimok sa House Committee on Appropriations na ibalik ang binawas na halaga sa total allocated budget para sa mga SUC sa 2024. RNT/JGC

Previous articleTulong sa sari-sari store owners na sapul ng rice price cap, ipinag-utos ni PBBM
Next articleFB page ng anak nina Aubrey at Troy, tinanggal!