LANAO DEL SUR- Nakabalik na sa kanilang command post sa Bukidnon ang 39 miyembro ng 1st Special Forces Battalion matapos harangin ng mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) makaraan mapagkamalan na New People’s Army (NPA) noong Martes sa probinsyang ito.
Paglilinaw ni Philippine Army spokesperson Colonel Xerxes Trinidad, napagkamalan lamang ng mga MILF ang mga sundalo na teroristang grupo na minsan at nagpapanggap na tropa ng pamahalaan.
Aniya, nagkaroon ng verification process para patunayan na totoong kasapi ng PA ang 39 na sundalo para maiwasan na magkaroon ng engkuwentro.
Sinabi pa ni Trinidad na nagkaroon ng koordinasyon ang militar sa MILF sa lahat ng isasagawa nilang operasyon lalo na sa mga liblib na lugar.
Dagdag pa ni Trinidad na maaaring mahina ang signal sa lugar kaya nagkaroon ng miscommunication.
Nagtungo sa Lanao del Sur ang 1st Special Forces Battalion ng 403rd Brigade, na nasa ilalim ng Eastern Mindanao Command (Eastmincom), bilang tugon sa impormasyon tungkol sa mga miyembro ng NPA sa lugar.
Dagdag pa ni Trinidad na nagkaroon ng koordinasyon ang Army sa Western Mindanao Command (Westmincom), na sumasaklaw sa Lanao del Sur, para sa pagpapalawak ng area of cooperation ng brigada.
“Kung mapapansin niyo sa parte po ng Bukidnon itong under ng 403rd Brigade. Parte po ng Lanao del Sur, na-coordinate po natin yan dito sa Westmincom. Kung saan po coordinated din po ‘yan sa ating mga kasamahan sa MILF,” ani pa Trinidad.
“Para matiyak ang kaligtasan ng mga tropa ng AFP, ang MILF-BIAF ay nagpalipas ng gabi muna ang mga ito sa ligtas na lugar. Ang militar at MILF ay magkatuwang sa pagsugpo sa mga teroristang grupo at matuldukan ang karahasan,” dagdag pa ni Trinidad. Mary Anne Sapico