Home METRO 394 ‘Rainbow Graduates’ tampok sa Pride Month celebration sa QC

394 ‘Rainbow Graduates’ tampok sa Pride Month celebration sa QC

MANILA, Philippines – AABOT sa 394 na miyembro ng LGBTQIA+ community ang naging sentro nitong Sabado, Hunyo 22 nang sila ay sumali sa espesyal na “Graduation Rights” ng Quezon City government sa Quezon Memorial Circle.

Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang seremonya, isa sa mga espesyal na aktibidad ng lokal na pamahalaan para sa ika-85 anibersaryo nito at pagdiriwang ng Pride Month.

Nabatid na makasaysayan ang kaganapan, dahil ang Quezon City ang naging unang local government unit sa bansa na nagsagawa ng simbolikong seremonya na nagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community na magmartsa bilang kanilang tunay na sarili.

Kasama sa mga kalahok ang mga ipinagbabawal na sumali sa kanilang mga seremonya ng pagtatapos dahil sa kanilang pagkakakilanlan at ekspresyon ng kasarian o pinilit na umayon sa panlabas na anyo na hindi naaayon sa kanilang SOGIE. Ang pinakamatandang ‘Rainbow Graduate’ ay 75 taong gulang.

“Ang mga ritwal ng pagtatapos ay karapatan ng lahat, anuman ang pagkakakilanlan at pagpapahayag ng kasarian. Sa Quezon City, may karapatan kang ipahayag ang iyong katotohanan, anuman ang iyong sekswal na oryentasyon, pagkakakilanlan ng kasarian, at pagpapahayag ng kasarian (SOGIE),” sabi ni Belmonte.

“Sana sa mga susunod na panahon, hindi na natin kailangan pang magdaos ng ganitong seremonya dahil lahat ng paaralan ay inclusive na,” dagdag pa nito.

Si Belmonte at keynote speaker, ang kilalang TV host na si Kaladkaren, ay namigay ng mga espesyal na diploma sa “Rainbow Graduates”, na binigyan din ng isang pormal na graduation pictorial kung saan nagkaroon sila ng pagkakataong ipahayag ang kanilang sarili bilang kanilang tunay na pagkatao.

Nagpahayag ng pasasalamat ang alkalde sa Department of Education, na matagal nang naglabas ng memorandum na nagpoprotekta sa lahat ng mga estudyante mula sa “gender-related violence, abuse, exploitation, discrimination and bullying” at pagsusulong ng gender equality at non-discrimination sa lahat ng antas ng pamamahala.

Gayunpaman, nanawagan siya sa mga administrador ng paaralan na ipatupad ang mga patakarang ito. Santi Celario