MANILA, Philippines – Nasa 3,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) sa buong bansa ang sinasanay upang palitan ang mga gurong aatras bilang electoral board member para sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Linggo, Oktubre 22.
Sa panayam sa Super Radyo dzBB, ipinunto ni Comelec chairman George Garcia na hindi kinakailangang magsilbing poll worker ang mga guro para sa 2023 BSKE na nakatakda sa Lunes, Oktubre 30, kung isasaalang-alang na malapit na ang Undas o All Saints’ Day sa Nobyembre 1.
“Therefore, talagang noon pa man, inaasahan natin na may mga teachers na hindi magsisilbi sa araw ng eleksyon. Hindi naman namin sila puwedeng i-obliga kung kaya’t naghanda rin kami ng mga PNP personnel na magsisilbi bilang kahalinlin o kapalit nu’ng mga electoral board members natin,” sabi ni Garcia.
Ayon kay Garcia, ilang guro partikular na ang nasa Abra, ang umatras bilang poll worker dahil kamag-anak ang mga ito ng mga kandidato.
Noong nakaraang linggo, iniulat ng Comelec na isang kandidatong tumatakbo sa pagka-konsehal ng barangay sa Bucay, Abra ang binaril.
Mayroon ding 122 na kandidato sa Abra na umatras sa BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domenden