MANILA, Philippines – Nasa 3,000 indigents ang pinagkalooban ng rice at financial assistance sa paglulunsad ng Cash and Rice Distribution (CARD) program sa Bukidnon nitong Sabado, Nobyembre 11.
Ang CARD ay sinimulan bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lumikha ng programa para mabigyan ng tulong ang mga mahihirap at vulnerable families.
Kasama rin dito ang murang bigas.
“Ganunpaman, sinikap nating humanap ng paraan kung paano makatulong para mapagaan ang buhay ng ating mga kababayan sa harap ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin,” sinabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na nagrepresenta sa Pangulo.
Ang CARD program ay binuo kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na pinangungunahan ni Secretary Rex Gatchalian.
Sa ilalim ng programa, ang bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng P2,000 halaga ng cash at rice assistance, o isang sako ng bigas at P1,000 cash.
Tinukoy ng DSWD ang 10,000 benepisyaryo sa bawat distrito, o katumbas ng 2.5 milyong indigent at vulnerable Filipinos.
Nauna nang inilunsad ang programa sa Metro Manila sakop ang 33 legislative districts nito.
Nasa 5,000 residente rin ng Biñan at Santa Rosa, Laguna ang nakinabang sa CARD.
“Layon po natin na palawakin ang programang ito sa lahat ng panig ng bansa. Simula pa lamang ito ng patuloy na pagbibigay natin ng ginhawa sa ating mga mamamayan,” Romualdez.
Ang paglulunsad ng CARD program ay tumapat sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa probinsya, at inasahang makapagbibigay sa nasa 110,000 beneficiaries ng mahigit P379 million na cash assistance at government services. RNT/JGC