Home METRO 4 American sex offenders, hinarang ng BI

4 American sex offenders, hinarang ng BI

MANILA, Philippines – INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) na apat pang foreign sex offenders mula sa US ang pinagbawalan na makapasok sa bansa nitong mga nakaraang araw.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na tinanggihan ang apat na Amerikano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at agad silang pinabalik sa kanilang pinanggalingagng lugar sakay ng mga sumunod na available flight.

“We have been turning them away one after the other, yet they keep on coming here. But we will not relent because it is our duty in the BI to prevent the Philippines from being a hub of sex tourism,” giit ni Tansingco.

Nauna rito, iniulat ni Tansingco na hinarang ng mga tauhan ng BI port ang pagpasok sa 171 foreign sex offenders noong 2023, na pawang na-blacklist at pinagbawalan na makapasok sa bansa.

Nabatid sa BI na ang unang pasaherong naharang ay ang 63-anyos na si Herbert Nelson Price, na hindi pinapasok sa NAIA terminal 1 matapos dumating sakay ng Philippine Airlines flight mula Los Angeles.

Ang impormasyon na natanggap mula sa gobyerno ng US ay nagsiwalat na si Price ay nahatulan ng korte sa Wisconsin dahil sa sexual battery kung saan ang biktima ay isang 21 taong gulang na babae.

Noong Pebrero 7 din, naharang ang 68-anyos na si Thomas Dewey Wise sa NAIA 3 terminal sa kanyang pagdating sa pamamagitan ng Cathay Pacific flight mula Hongkong.

Sa ulat ng North Carolina, hinatulan si Wise noong 1997 dahil sa indecent liberties o paggawa ng mahalay o imoral na gawain sa isang bata na wala pang 16 taong gulang.

Noong Peb. 8, hinarang din ng mga opisyal ng BI sa NAIA 1 ang 65-anyos na si Keith Knight Bonzon na dumating sakay ng Korean Airlines flight mula Incheon, South Korea.

Napag-alaman na si Bonzon ay hinatulan ng korte ng US dahil sa sexual assaulting sa isang 23-anyos na babae matapos pumasok sa kanyang tahanan.

At ang huli, nitong Pebrero 10, ang 60-taong-gulang na si John Kenneth Wilsher ay hinarang pagkatapos ding dumating mula sa Incheon sakay ng isang Korean airlines flight.

Nabatid na nahatulan si Wilsher noong 1988 ng criminal sexual conduct sa 1st degree sa estado ng Michigan.

Napag-alaman sa BI na ang apat ay sumakay sa susunod na available flight pabalik sa kanilang bansang pinagmulan at isinama sa listahan ng BI ng mga naka-blacklist na dayuhan. JAY Reyes

Previous articleNorthern Luzon target na venue ng Balikatan 2024
Next articlePOGO, gambling establishments sa Pasig ikinandado