APAYAO- UMAALINGASAW ang nakakasulasok na amoy ng matagpuan ang bangkay ng isang apat na taon gulang na batang babae sa septic tank matapos gahasain saka patayin ng hindi pa kilalang suspek nitong Huwebes sa bayan ng Pudtol.
Ayon kay PCAPT Thomas Bayan Cayomba Jr., officer-in-charge ng Pudtol Police Station, natagpuan ang bangkay ng bata na walang saplot at suot lamang ay tsinelas sa isang hindi pa nagagamit na septic tank sa Barangay Matagisi ng nasabing bayan.
Lumabas sa pagsusuri ng doktor, nagtamo ng multiple physical injuries secondary to alleged murder and homicide at nakitaan din ng senyales na ginahasa ito bago patayin.
Sinabi ni Cayomba, unang iniulat ng mga magulang na nawawala ang kanilang anak noong araw ng Linggo at huli itong nakitang buhay na naglalaro sa tapat ng tindahan ng kanyang lola.
Dahil dito, nagtulong-tulong ang mga pulis at mga kamag-anak ng bata sa paghahanap hanggang sa makita ang labi nito sa septic tank na naaagnas na.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan sa suspek at managot sa karumal dumal na krimen./Mary Anne Sapico