MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang apat na sangkot sa illegal na droga, kabilang ang isang garbage collector matapos makuhanan ng baril at P68,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Bodo”, 39, Garbage Collector, alyas “Boy”, 30, Cellphone Technician, alyas “Dondon”, 40, Construction Worker at alyas “Judith”, 40, pawang residente ng Barangay 12.
Sa ulat, dakong alas-2:44 ng madaling araw nang maaresto ng mga operatiba ng DDEU-NPD sa buy bust operation sa Bangayngay St., Brgy., 12 ng lungsod si alyas Dondon matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer, kasama ang tatlo pang suspek matapos maaktuhang sumisinghot umano ng shabu sa loob ng bahay.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P68,000, buy bust money na isang P500 bill, kasama ang 5-pirasong P1,000 boodle money, cellphone, sling bag at drug paraphernalias habang nakuha pa kay alyas Dondon ang isang cal. 38 revolver na may holster at kargado ng anim na bala.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang karagdagan kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition in relation to Omnibus Election Code ang kakaharapin pa ni alyas Dodong. Rene Manahan