Home METRO 4 bebot kulong sa ₱102K shabu sa Makati

4 bebot kulong sa ₱102K shabu sa Makati

MANILA, Philippines – Sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City police ay nadakip ang apat na kababaihan na sangkot sa pagbebenta ng shabu Martes ng gabi, Pebrero 4.

Sa report ng Makati City police ay kinilala ang mga nadakip na suspects na sina alyas Rula, 30; alyas Tisay, 25; alyas Cheche, 33; at isang alyas Donna, 31.

Ayon kay Makati City police chief P/Col. Jean Dela Torre, naganap ang pagdakip sa mga suspects bandang alas 10:30 ng gabi sa Gomez St., Brgy. Tejeros, Makati City.

Sinabi ni Dela Torre na sa ikinasang buy-bust operation ng mga miyembro ng SDEU sa pakikipag-ugnayan sa mga tauhan Sub-Station 1 ay naisakatuparan ang pagsasagawa ng operasyon kung saan tumayo bilang poseur-buyer ang isang operatiba na nagdulot ng pagkakaaresto ng mga suspects.

Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ng mga suspects ang 14 na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱102,000, isang case ng sunglass, cellular phone, at ang ₱500 buy-bust money.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspects sa Makati City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)