Home HOME BANNER STORY 4 BI lawyer na sangkot sa pag-isyu ng work visa sa fake...

4 BI lawyer na sangkot sa pag-isyu ng work visa sa fake firms, sibak!

MANILA, Philippines – SINIBAK na ng Bureau of Immigration (BI) ang apat na immigration lawyers na umano’y nasangkot sa pag-iisyu ng pre-arranged employment (9G) visa sa mga pekeng korporasyon.

Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, tinanggal sa kasalukuyang posisyon ang mga nasabing abogado kung saan sila ang nag-iisyu ng mga visa habang sumasailalim sila sa imbestigasyon.

“Kapag may nakita na sila ay may direct involvement doon sa hindi tamang pag iisyu ng mga visa na iyon, ay sila po ay irerekomenda natin sa Department of Justice (DOJ) na makasuhan po at mabigyan ng appropriate sanctions,” ani Sandoval.

Nabatid sa BI na ang isang 9G visa ay kinakailangan para sa mga dayuhang mamamayan upang makapagtrabaho sa bansa.

Inilabas ni Sandoval ang pahayag ilang araw matapos sabihin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Martes na tinulungan ng BI legal department ang mga pekeng korporasyon na makakuha ng visa.

Noong Miyerkules, sinabi ng BI na inirekomenda nito ang pagpapalabas ng show-cause orders laban sa mga abogado at ang abolisyon ng visa task force ng Legal Division.

Samantala, sinabi ni Sandoval na noong Disyembre 2023, napag-alaman ng bureau na 459 na aplikasyon na nabigyan ng visa ang na-petisyon ng mga pekeng kumpanya. Ang mga dayuhang ito ay na-blacklist na ng BI.

“Nakita that there were 116 employers ‘yung mga kumpanya na peke and then tinignan po kung sino ‘yung mga abugado na nag proseso po nitong mga application na ito, as well as ‘yung mga agencies that lodged the application,” ani Sandoval.

“Kasi meron din po nga mga accredited agencies which are authorized to transact on behalf of foreign nationals. So pati po ‘yung mga agencies being possibly complicit to this,” dagdag pa ng tagapagsalita.

Aniya, nakatuon umano si Immigration Commissioner Norman Tansingco na magsumite ng ulat sa imbestigasyon sa DOJ sa pagtatapos ng buwan.

Samantala, nanawagan na din si Senador Grace Poe sa DOJ na alamin ang nasabing iligal na gawain at panagutin ang sinumang nagkakamali na tauhan, at sinabing ang pag-iisyu ng nabanggit na visa ay nakakaalarma at nagdudulot ng mga banta sa kapayapaan at kaayusan ng bansa. Jay Reyes

Previous articleNawawalang beauty queen posibleng patay na – pulis
Next articleProblema sa kuryente sa Palawan tatalupan ng Kamara