Home NATIONWIDE 4 high dams target ng PH gov’t sa 2028 vs water shortage

4 high dams target ng PH gov’t sa 2028 vs water shortage

MANILA, Philippines- Para tugunan ang kakapusan sa tubig, nais ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tapusin ng gobyerno ang konstruksyon ng ilang dams, kabilang ang apat na ‘high dams’ sa 2028, ayon sa National Irrigation Authority (NIA).

Sinabi ni NIA Administrator Eddie Guillen na inaasahan ng Pangulo na ang apat na malalaking dams, ibig sabihin iyong nakatayo o nakatindig ng higit sa 75 metro o mayroong reservoir storage capacity na higit sa 60 million cubic meters, ay matatapos sa 2028 o sa huling bahagi o pagtatapos ng kasalukuyang administrasyon.

Kabilang sa apat na malalaking dams ayon kay Guillen ay ang P8.6 billion Tumauini River Multipurpose Project (TRMP) sa Isabela province; ang P19 billion Panay River Basin Integrated Development Project (PRBIDP) sa Iloilo.

Ikatlo naman ay ang P22.7 billion Ilocos Norte-Ilocos Sur-Abra Irrigation Project II (INISAIP II) at ang ika-apat ay ang P9 billion Ilocos Sur Transbasin Project

Idagdag pa rito, sinabi ni Guillen na mayroong 10 medium dams na nakatindig o nakatayo ng higit pa sa 15 hanggang 75 metro o mayroong reservoir storage capacity ng higit pa sa 3 hanggang 60 million cubic meters, na inaasahang makukumpleto bago matapos ang taon o sa unang bahagi ng 2025.

“Ang bilin po ng ating Pangulo…ang solusyon po talaga [sa water shortage] at maglagay ng additional dams. The President wants us to shift from [building] flood control projects to water management [projects],” ayon kay Guillen.

“That is what we are doing now, because everytime we have water problems, it is because itong mga malalaking dams na inaasahan natin, Magat at Pantabangan dam, ipinatayo pa noong Pangulong [Ferdinand] Marcos, Sr. Pantabangan will be even 50 years (old) in September. Unfortunately, hindi na nasundan ng ganung mga proyekto,” aniya pa rin.

Nauna rito, tinanong si Guillen kung ano ang gagawin ng gobyerno sa gitna ng naging anunsyo ng National Water Resources Board (NWRB) na babawasan nito ang alokasyon ng tubig sa Kalakhang Maynila simula ngayong Abril dahil sa mababang rainfall projection.

Ang mga high dams ani Guillen ay nagbibigay ng long term solutions at tinutugunan ang pangangailangan sa tubig ng bansa.

“With high dams, you get long term solutions because it also provides irrigation, [a measure for] flood control, power generation, domestic water and acquaculture needs,” wika ni Guillen.

“Bawi po talaga tayo kapag high dam,” dagdag niya.

Tinuran pa nito na ginawang simple ng NIA ang proseso ng pagtatayo ng dams, kung saan mababawasan na ang time frame mula sa pagtatayo sa aktuwal na implementasyon sa loob ng tatlong taon.

“Ang sistema po kasi natin dati is gumawa ng feasibility study, tapos gagawa ka ng design, ng detailed engineering. Eh ngayon po ay iba na],” paglalahad ni Guillen.

“Kapag mayroon ng feasibility study si NIA, design and build na kami. So sasabihin namin sa mga contractors, “Ito iyong gusto naming dam, kailangan namin ng 500 million cubic meters na capacity, dito ninyo ilalagay.” So contractors na ngayon ang magdi-design at sila ang magko-construct. So mapapabilis po, iyon po ang sinasabi natin,” patuloy ng opisyal. Kris Jose

Previous articleHigit 49K pulis na-promote
Next articlePH nagbabadyang bayuhin ng 13-16 bagyo ngayong 2024