MULANAY, Quezon – WALANG pasok ngayong araw (Lunes) Mayo 22, ang mga estudyante sa apat na paaralan sa bayang ito dahil sa isang bomb threat na nai-post sa social media ng apat na paaralan.
Agad na sinuspindi ni Mulanay Mayor “Kuya” Aris Aguirre ang lahat ng klase sa Polytechnic University of the Philippines (PUP-Mulanay), Bondoc Peninsula Agricultural High School, Mulanay Central School, at Santa Rosa Elementary School matapos mag-post sa kanyang Facebook page na may mga nakatanim na bomba sa naturang mga paaralan.
Ayon naman kay Police Major Marlon Comia, hepe ng Mulanay PNP, ang bomb threat ay ipinost ni “Ka Tonyo” sa wikang Bisaya sa Facebook page ng university student government ng PUP-Mulanay.
Aniya, matapos halughugin ang apat na paaralan ay wala silang nakitang bomba.
“Wala tayong nakikitang nagpapahiwatig na may bomba pero nakipag-usap na tayo sa paaralan, lalo na sa PUP na maging mahigpit sa pagpapatupad ng kanilang security protocols at huwag pansinin ang ganoong mensahe,” dagdag ni Comia.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Mulanay police station sa PNP-Anti-Cybercrime Group para matukoy ang pagkakakilanlan ni Ka Tonyo.
Humingi na rin ng tulong si Aguirre sa Philippine National Police-Explosive Ordnance Disposal Unit (EOD) para sa monitoring sa nasabing mga paaralan para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, guro at mga kawani. Mary Anne Sapico