Home METRO 4 miyembro ng ‘ipit gang’ at ‘dura-dura gang’ sa LRT1, arestado

4 miyembro ng ‘ipit gang’ at ‘dura-dura gang’ sa LRT1, arestado

MANILA, Philippines – Apat na miyembro ng umano’y “ipit gang” at “dura-dura gang” na nambibiktima ng pasahero sa LRT-1 ang inaresto sa ikinasang Intel-driven operation ng Theft and Robbery Section ng Manila Police District (MPD).

Kinilala ang mga suspek na sina Erwin Eluna y Obemio, 39, miyembro ng Sputnik Gang; Antonio Tordillo y Bitoy alyas Dondon, 44, na unang naaresto noong Marso 11.

Noong Marso 12, naaresto naman sina Leonard Hernandez y Gamboa, 32, at Arnold Jugar y Zaragosa alyas Ompong/Sugar.

Sa apat na suspek, nadiskubre na si Zamora ay may bench warrant dahil sa paglabag sa Anti-Piracy and Anti-Highway Robbery Law kung saan may inirekomendang piyansa na halagang P120,000 ni Hon. Ofelia L. Calo, Presiding Judge ng RTC Branch 211 ng Mandaluyong City.

Sa imbestigasyon, lumitaw na modus ng mga suspek na harangin ang mga pasahero na pasakay at pababa ng LRT-1.

Isa sa naging biktima ang civil engineer na si Christian John Romero na nadukutan ng kanyang cellphone matapos siyang ipitin ng dalawang suspek pagsakay sa LRT sa Doroteo Jose Station habang papasok sa kanyang trabaho.

Ayon kay MPD Public Information Office Chief Majopr Philip Ines, nagpakalat ng operatiba alinsunod sa direktiba na rin ni MPD Director P/Brig.General Arnold Thomas Ibay sa LRT 1 para mas mabantayan ang mga kawatan.

Nang maaktuhan ng mga operatiba ang modus ng mga suspek, agad silang nilapitan at isa-isang dinampot.

Aminado naman ang mga suspek na pabalik-balik sila sa LRT para mambiktima.

Modus din ng mga suspek na lituhin ang target nilang pasahero kung saan sinasabing mayroong dura o dumi sa iyong paanan saka tityempo habang hinaharangan at may kumukuha ng gamit ng biktima.

Payo ng awtoridad sa mga pasahero, maging alerto at huwag ilagay sa bulsa ang mga gamit tulad ng wallet, at cellphone.

Nakakulong na ngayon ang mga suspek sa custodial facility ng MPD. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleBong Go sa job-seekers MARAMING BAKANTENG TRABAHO SA MALASAKIT CENTERS
Next articlePanunumpa ng mga bagong promote na BJMP officials pinasinayaan