Home HOME BANNER STORY 4 na estudyante dinukot, 6 katao arestado

4 na estudyante dinukot, 6 katao arestado

517
0

ECHAGUE, ISABELA – Arestado ang isang grupo na kinabibilangan ng limang (5) kalalakihan at isang babae matapos dukutin ang apat na kababaihang estudyante sa bayan ng Echague, Isabela.

Sa ipinarating na ulat ni PMaj. Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station kay PCol. Julio R.Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, ang mga suspek ay kinilalang sina Mario Ulep, 33-anyos, residente ng Brgy. Paddad, Alicia, Isabela; John Royce Bumatay, 28-anyos, residente ng Brgy. Malaking, Alicia, Isabela; John Lyod Dela Rosa, 19 anyos, at Conrado Marzan Jr., 33 anyos, parehong residente ng Brgy. Villa Flor, San Isidro, Isabela.

Kasama din sa mga nahuling suspek ang dalawang menor de edad na kinabibilangan ng isang 17-anyos na dalagita, estudyante, residente ng Brgy. Villa Flor, San Isidro at isang 17-anyos na binatilyo, estudyante na residente naman ng Brgy. Sta. Maria, Alicia, Isabela.

Ang mga biktima na pawang mga estudyante ay kinilalang sina Clariz Biag, Assunta Hop, parehong bente-anyos at dalawang 17-anyos na dalagita na pawang mga residente ng Brgy. Good, San Isidro, Isabela.

Ayon sa pulisya, nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag mula sa isang lalaki at humihingi ng tulong dahil dinukot umano ang kanyang girlfriend kasama ang iba pang kababaihan na sapilitang isinakay ng mga armadong kalalakihan sa isang itim na Toyota Grandia Van na may plakang TOP 883 at ipinarada sa isang convenience store sa Brgy. Ipil sa naturang bayan.

Agad namang rumesponde ang kapulisan at nang makarating sa convenience store ay tumakbo ang mga biktima palapit sa patrol ng mga pulis at sila’y humingi ng tulong.

Nang mapansin naman ng drayber ng Grandia Van ang presensya ng mga pulis sa lugar ay agad nitong pinaharurot ang sasakyan patungong Poblacion ng Echague, subalit nahabol at nakorner pa rin sila ng mga pulis sa isang gasolinahan.

Dito na nasukol ang mga suspek kung saan narekober mula sa kanilang pag-iingat ang isang glock handgun na Caliber 9mm; isang long magazine at dalawang short magazine ng Caliber 9mm; 26 na piraso ng bala ng Cal 9mm; isang plastic sachet ng hinihinalang shabu; isang pouch bag na may residue ng iligal na droga at mga illegal drug paraphernalias.

Pansamantalang nakapiit na ngayon sa himpilan ng pulisya ang mga suspek at inihahanda ang isasampang kaso laban sa kanila tulad ng abduction, grave threat with the used of firearms, paglabag sa Section 11 at 12 ng Republic Act 9165 at paglabag sa RA 1059. Rey Velasco

Previous articleMaricel, open sa bagong pag-ibig!
Next articlePinsala sa nasunog na Central Post Office, aabot sa P300M – BFP

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here