CAGAYAN DE ORO –PALAISIPAN pa sa ngayon ang umano’y pag-amok ng isang sundalo matapos na walang habas nitong pinagbabaril ang apat niyang kasamahan habang nasugatan ang isa, kaninang madaling-araw, Pebrero 11 sa lungsod na ito.
Sa paunang report ng Philippine Army 4th Infantry Division, kaninang madaling-araw ng maganap ang krimen sa loob ng kanilang kampo sa Camp Evangelista Patag, Cagayan de Oro City.
Ayon kay Maj. Francisco Garello, Jr., tagapagsalita ng 4th ID, natutulog ang mga biktima sa Headquarter Service Center Battalion ng bigla na lamang pinagbabaril ng suspek gamit ang M16 rifle.
Pagkatapos ay sunod naman pinasok ang iba pang silid ng mga sundalo subalit naging alerto ang dalawang sundalo matapos makarinig na sunud-sunod na putok ng baril.
Sinubukan agawin ng mga ito ang baril ng suspek subalit bigla na lamang itong pumutok at tumama sa isa pang sundalo na agad naman dinala sa ospital para lapatan ng lunas.
Nag-agawan ng armas ang dalawang sundalo ang suspek hanggang naputukan ang suspek na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Habang sinusulat ang ulat na ito ay hindi na muna binanggit ng 4th ID ang mga pangalan ng mga nasawi at nasugatan ganun din ang suspek.
Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad para malaman ang tunay na motibo sa krimen. Mary Anne Sapico